ROXAS CITY – Hindi na nakaabot sa ospital ang manganganak na ginang dahil sa border security checkpoint pa lamang ng Barangay Lucero at Pasol-o, Jamindan, Capiz ay lumabas na ang sanggol.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Police Captain Peter John Pisueña, hepe ng Jamindan PNP, sinabi nitong inabutan ng panganganak si Analyn Casimero na papunta sana sa Rural Health Unit ng Jamindan kasama ang asawa.
Hindi na napigilan pa ng ginang ang paglabas ng sanggol kung saan sa tricycle pa lamang na nasa harap ng border security checkpoint ay nanganak na ito.
Kaagad siyang pinahiga sa folding bed at nagtulungan na lamang ang task force at Jamindan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office hanggang nakaraos sa panganganak ang ginang ng isang healthy baby girl.
Sa ngayon ay nasa ospital na ang ginang kasama ang isinilang na sanggol.
Nabatid na ito na ang ikaapat na anak ng ginang na hindi inaasahan ang panganganak sa daan.