BUTUAN CITY – Matinding takot ang naramdaman ng ginang na si Siony Pañares, residente ng Sitio Dahican, Brgy. Salvacion, sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur sa naganap na bakbakan sa pagitan ng mga pulis at ng mga body guards ni Joel Apolinario kahapon.
Ayon kay Pañares, wala siyang alam na natamaan siya ng ligaw na bala sa kaliwang bahagi ng kanyang noo dahil sa paghahanap niya sa kanyang anak nang marinig ang mga putok ng armas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Pañares na kaagad niyang sinundo ang kanyang anak na noo’y naliligo sa dagat at saka pa napagtantong naiwan pala niya sa bahay ang ilang buwan pa lang niyang bunsong anak.
Nang makita na may mga dugo ang nakahigang anak ay inakala niyang natamaan na ito sabay tago sa kanilang CR na nanginginig ang katawan.
Nang makaramdaman na ng hapdi, saka pa lamang nito nalamang nadaplisan pala ang kanyang kaliwang noo.