-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Labis ang panghihinayang na nararamdaman ng isang ginang habang ibinabahagi ang kanyang karanasan sa Bombo Radyo Cauayan dahil sa hindi inakalalang mabiktima siya ng umano’y banyagang scammer.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Janice sinabi niya na may isa umanong foreigner na nag-friend request sa kanya sa pamamagitan ng Facebook.

Aniya, dahil sa inakalang malinis ang pakay ng naturang banyaga ay nakipagkaibigan siya rito.

Noong una ay hindi siya kumbinsido at hindi siya naniniwala sa mga sinasabi ng naturang banyaga gayunman dahil isa sa kanyang kapitbahay ang nangangailangan ng tulong ay napilitan siyang tanggapin ang umano’y iniaalok nitong parcel sa pag-aakalang makakatulong ito sa kanilang problema.

Akala umano niya ay walang bayad o ‘di kaya naman kaunti lamang ang babayaran niya sa pagtanggap ng ipapadalang package subalit nabigla umano siya nang tumawag sa kaniya ang isa umanong courier company at humihingi ng P35,700.00 bilang paunang bayad sa ipinadalang package.

Dahil sa pagtataka ay tinanong niya ang courier company kung bakit malaki ang kailangan niyang bayaran at sinabi umano ng courier company na mamahaling kagamitan ang laman ng package kabilang na rito ang malaking halaga umano ng pera.

Idinagdag pa ni Ginang Janice na dahil nagkataong may hawak siyang pera ng tumawag ang courier company ay agad niya itong binayaran sa pamamagitan ng electronic wallet services.

Matapos makapagbayad ay agad tumawag ang naturang kumpanya kung saan inihayag nito na dahil may lamang pera ang package ay kailangan niya muling magpadala ng P80,000.00 para umano sa sertipikasiyon na magmumula sa AMLC.

Dahil may kamahalan na ang sinisingil ng nagpakilalang agent ng courier company ay nakipag-ugnayan na siya sa mga otoridad.

Pinayuhan siyang huwag nang patulan ang iniaalok ng sender dahil malinaw na siya ay na-scam o naloko.

Nagpupumilit pa rin aniya ang agent ng courier company na ipadala ang package sa kanila subalit kalangan nilang magbigay ng paunang bayad na P10,000.00 habang ang nalalabing halaga ay babayaran na lamang pagnatanggap na nila ang package.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Ginang Janice na mabibitawan niya ang malaking halaga ng pera para lamang sa isang package na mula sa hindi kilalang tao.

Hindi rin niya lubusang maisip na maging siya ay mabibiktima ng isang scammer.

Umaasa si Ginang Janice na marami ang makakapulot ng aral sa kanyang karanasan at nanawagan siya na tiyaking hindi maloloko ng mga online scammer.