Lumapit na sa National Bureau of Investigation (NBI) upang humingi ng tulong ang isang ginang mula sa Lucena City matapos di-umano’y gahasain ng dati nitong kinakasama ang kanilang 12-anyos na anak at kalaunan ay nabuntis ito.
Sa inilabas na dokumento ng Lucena District Office ng NBI, itinuro ng dalaga ang kaniyang sariling ama na gumahasa at nakabuntis sa kaniya.
Batay dito, nagsimula raw ang pang-aabusong ito ng kaniyang ama noong Setyembre 7, 2020 sa loob ng kanilang bahay kung saan sila naninirahan ng kaniyang ama kasama ang bagong pamilya na kinaksama nito.
Kwento npa ng biktima, pinilit siya ng kaniyang ama na inumin ang isang kulay asul na gamot matapos ang unang panggagahasa. Nagpatuloy ang naturang pang-aabuso ng halos 10 beses pa noong Setyembre.
Natigil lang aniya ang panggagahasa noong napansin na ng bagong kinakasama ng kaniyang tatay na halos isang buwan nang hindi dinadatnan ng dalaw ang 12-anyos na dalaga, na isang indikasyon ng pagbubuntis.
Subalit noong Oktubre 2020 ay muling nagpatuloy ang pang-aabuso. Pagsapit ng Marso 2021, napansin na ng lola nito na tila lumalaki ang tiyan ng kaniyang apo at sa pamamagitan ng pregnancy test ay nalaman na nagdadalang-tao na ito.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek matapos sampahan ng kaso kaugnay sa paggamit ng droga matapos masamsam ang pake-paketeng shabu at crystal meth na kaniyang pag-aari.
Halos 12 bilang ng child rape, sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, ang inihahanda ng NBI laban sa tatay ng biktima.