Nanganak ang isang ginang habang nasa kasagsagan ng pagbahang dulot ng bagyong Enteng.
Batay sa report ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Burdeos, Quezon, tumawag ang pamilya ng ginang para humingi ng tulong dahil nasa kalagitnaan na ito ng panganganak.
Dahil sa matinding pag-ulan sa lugar (Brgy Poblacion) ay lubog sa tubig-baha ang maraming kalsada at hindi kaya ng mga sasakyang pumasok para kunin ang ginang. Ilang bahagi ng kakalsadahan ay nakapagtala ng lagpas-baywang.
Pinilit naman ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at MDRRMO na pasukin ang lugar upang madala sa ospital ang ginang.
Matapos ang pahirapang pagbuhat sa ginang palabas sa kanilang tahanan nadala din siya ng mga otoridad sa ospital at isinilang ang isang lalakeng sangol.
Sa kasalukuyan ay nasa maayos nang kalagayan ang mag-ina.