KORONADAL CITY – Duguan at wala ng buhay nang matagpuan sa loob mismo ng bahay nito ang isang 55-anyos na ginang na pinaniniwalaang ginahasa muna bago brutal na pinatay sa Purok Garcia, Brgy. Rotonda, Koronadal City.
Kinilala ang biktima na si Carol Sunga Fuentes, 55, may dalawang anak at residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam nga Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Kapitan Jerry Marmonejo, pasado alas-6:00 kaninang umaga ng ini-report sa kanya ang nangyari kay Fuentes.
Personal umanong nakita nito na duguan na ang biktima at wala na itong suot na under wear.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Norma Sunga, bago pa man nangyari ang krimen ay may na-wrong send pa na text message ang kanyang kapatid sa kanya kaugnay sa nawawalang pera.
Kaya’t naniniwala ito na kakilala ng biktima ang suspek na pumatay sa kanya.
Una rito, narinig din umano ng mga kapitbahay ng biktima na umiiyak ito kagabi at panay ang kahol ng kanyang mga aso ngunit hindi na nila nakita pa ang pangyayari.
Lumabas naman sa imbestigasyon ng mga otoriad na dumaan sa bintana sa likod ng bahay ng biktima ang suspek na pinaniniwalaang gumahasa at pumatay sa kanya.
Nagtamo ito ng maraming saksak sa likurang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa ngayon, isa sa mga suspek ay ang karelasyon nito dahil ito lamang umano ang palaging kasama ng biktima sa pagbibilang ng pera mula sa pautang nito.