Hindi nagustuhan ng gobyerno ng Iraq ang pagsasagawa ng Amerika ng airstrike
sa tatlong lokasyon ng mga rebelde.
Kung maaalala liban sa Iraq, dalawa ring lokasyon ang tinarget ng US forces sa bahagi naman ng Syria.
Una nang nagpaliwanag ang US Defense Department o Pentagon, na ang kanilang hakbang ay bilang pagganti sa naunang atake nang tinaguriang Shia militia group o kilalang Katalib Hezbollah na ikinasugat ng maraming military personnel ng US noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Abdelkarim Khalaf, spokesman at commander of Iraq’s Armed Forces, bagamat inabisuhan naman ng Amerika si Iraqi Prime Minister Adil Abdul Mahdi, o kalahating oras bago ang airstrike, tutol sila sa ginawa ng Estados Unidos.
Tinawag pa nito na isang uri nang pagtataksil ang ginawa ng Amerika dahil pagyurak daw ito sa kanilang soberenya.
Mariin daw nilang tinututulan ang pagsasagawa ng unilateral action sa loob ng kanilang bansa kahit gawa pa ito ng coalition forces.