-- Advertisements --

Tila palaisipan kay Senate President Francis “Chiz” Escudero kung bakit kinwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpayag na arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa The Hague, Netherlands. 

Sa ikinasang imbestigasyon ng Senado noong Marso 20 ukol sa pag-aresto kay Duterte, kinalampag nito ang sandatahang lakas at kinwestiyon ang pagpapahintulot sa pag-aresto sa dating pangulo

Giit ni Escudero, nais daw ba ng bise presidente na magbangayan ang sundalo at mga kapulisan. 

Ipinaliwanag pa ng liderato ng senado na hindi dapat maging partisano ang AFP at hindi sila dapat kumbinsihin na pumanig sa pulitika. 

Wala sa mandato aniya ng AFP na makisawsaw sa politika o magpakita ng favoritism sa anumang grupo. 

Nauna nang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na wala sa kanilang mandato na magpatupad ng batas at maaari lamang daw silang mag-alok ng tulong sa pag-aresto. 

Ipinunto din nito na lahat ng iba pang usapin sa pagsuporta sa Philippine National Police ay pinamamahalaan ng operational security.

Nahaharap si Duterte sa mga kasong crimes against humanity sa ICC para sa kanyang madugong war on drugs, na nagsimula noong 2016 na ikinasawi ng libu-libong inidibidwal. 

Binuksan ng ICC ang preliminary examination sa kampanya laban sa droga noong 2018 ni Duterte at kalaunan ay nag-withdraw ang bansa sa Rome Statute noong 2019.