-- Advertisements --
Ginebra PBA Gins
Barangay Ginebra (PBA photo)

Muling dinala ni Scottie Thompson sa malaking panalo ang Barangay Ginebra matapos na maipasok ang mahalagang three point shot para sa kanilang 92-90 win laban sa TNT.

Nagawang maipasok ni Thompson ang kanyang tanging puntos na three pointer sa huling 30.5 segundo na nalalabi sa 4th quarter.

Ang naturang “big shot” ni Thompson ay nagbigay daan upang maagaw ng Gins ang renda.

Mula rito hindi na lumingon pa ang Kings matapos na umalagwa sa pambihirang play ni Thompson na nag-ugat sa assist ni Stanley Pringle.

Dagliang bumalik tuloy sa alaala ng mga fans ang ginawa rin ni Thompson na game-winner sa Game 5 sa semifinal series laban sa Bolts para bitbitin ang team tungo sa finals.

Kung tutuusin hawak ng Giga ang kalamangan mula sa first quarter na umabot pa sa 15 puntos.

Sinamantala naman ng Gins ang kawalan ni Bobby Ray Parks na hindi nakapaglaro bunsod ng calf injury.

Nasayang din ang ginawa ni RR Pogoy na nagpakita ng all-around performance na umabot sa 38 ang naibuslo para sa TNT.

ginebra
Gin Kings (photo from PBA)

Gayunman swerte pa rin ang Ginebra dahil sa naisalba rin ito sa game ni Pringle na nagtapos sa 34 points at si Aljon Mariano na nagdagdag ng 20 points at 9 rebounds upang akuin ang inalat na mga laro nina Japeth Aguilar, LA Tenorio at Thompson.

Ang Game 3 sa best-of-seven series ng 2020 PBA Philippine Cup Finals ay gagawin sa Biyernes doon pa rin AUF Gym sa Angeles City, Pampanga.