-- Advertisements --

Tinambakan ng Barangay Ginebra ang NLEX Roadwarriors 119-91 sa nagpapatuloy na PBA 49th Season Governors’ Cup.

Nanguna sa panalo ng Ginebra si Stephen Holt na nagtala ng 26 points, 11 rebounds at anim na assists sa laro na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum.

Nag-ambag naman ng 20 points, walong rebounds, apat na assists at dalawang steals si Maverick Ahanmisi habang mayroong 19 points si Scottie Thompson, 19 points naman ang naitala ni RJ Abarrientos at 13 points, pitong rebounds at siyam na assists naman ang naitala ni Justin Brownlee.

Mula sa simula ay hawak ng Ginebra ang kalamangan kung saan sa simula ng last quarter ay umabot pa sa 33 points ang kanilang kalamangan.

Pinuri naman ni Ginebra head coach Tim Cone ang kaniyang manlalaro dahil sa ipinamalas na galing sa paglalaro.

Mayroon ng tatlong panalo at dalawang talo ang NLEX para tapusin ang unang round ng kampanya sa Group B habang ang Ginebra ay mayroong dalawang panalo at dalawang talo.