-- Advertisements --

Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na nagtatanggal ng buwis sa mga gintong ibinebenta ng small-scale miners sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa kopya ng Republic Act No. 11256 na inilabas ng Malacañang, inaamyendahan na ang National Internal Revenue Code para ma-exempt sa excise tax ang mga ginto.

Una nang sinabi ng author at sponsor ng panukalang batas na si Sen. Sonny Angara na layunin nitong mahikayat ang mga small-scale miners na ibenta ang kanilang mga ginto sa BSP, sa halip na sa black market o sa mga patago at iligal na bentahan.

Inaasahang sa ganitong paraan, lalaki ang kita ng small-scale miners sa bansa.

Makakaambag rin daw ito sa pagtaas ng gross international reserves ng bansa dahil nagagamit ang ginto bilang pambili ng currency at sa iba pang mga transaksyon sa world market.