-- Advertisements --
image 212

Nakalabas na ng ospital ang gitarista ng Parokya ni Edgar na si Gab Chee Kee matapos ang kanyang dalawang buwang pananatili dahil sa mga komplikasyon sa kalusugan na dulot ng lymphoma.

Inihayag ni Chito Miranda ang balita sa kanyang isang social media account habang ipinapakita si Chee Kee na papalabas ng ospital at naka-wheelchair.

Biniyang diin pa ng frontman ng naturang banda na si Miranda ang kanyang pasasalamat sa mga tumulong na makalikom ng pondo para sa mga gastusing medikal ni Chee Kee.

Kung matatandaan, ang kanilang mga kaibigan sa industriya ay tumulong din sa paglikom ng pondo, kabilang ang isang Eraserheads-signed na gitara na naibenta nila sa halagang P1.3 million.

Idinagdag din para sa pondo ang isiniuot na Polo ni Francis Magalona sa “Bagsakan” music video na in-auction pa at sinasabing ang huling nag-bid dito ay sa halagang P620,000.

Sa ngayon, kasalukuyan nang nagpapagaling ang gitaristang si Gab Chee Kee at nakatakda pa rin sumailalim para sa kanyang therapies upang tuluyang gumaling.