Inaabangan ngayon ng mga military experts at ilang mga bansa kung itutuloy pa rin ni US President Donald Trump ang utos na airstrike matapos bawiin ang pag-atake sa Iran.
Ito ay bilang ganti sana sa pagpabagsak sa unmanned aerial vehicle ng US.
Unang iniulat ng New York Times na nasa ere na sana ang mga fighter jets at nakaposisyon na rin ang mga aircraft carriers pero bigla raw nagbago ang isip ni Trump at binawi ang airstrike sa hindi malamang dahilan.
Ang pagganti sana ng puwersa armada ng Amerika sa piling targets tulad ng mga missile batteries at radar ng Iran ay isasagawa ng gabi ng Huwebes upang hindi masyadong makadamay sa mga sibilyan.
Ilan naman sa mga katanungan na lumutang kung bakit umatras si Trump ay kung kulang nga ba ang logistics o istratehiya o kaya naman nakabinbin lamang ang plano at itutuloy din.
Agad namang umani ng mga reaksiyon sa mga mambabatas sa Amerika ang naudlot na hakbang ni Trump na muntik nang malagay sila sa panibagong giyera.
Ang mga kritiko mula sa Democrats tulad ni Sen. Elizabeth Warren ng Massachusetts ay nagsabing wala pang mabigat na “justification” para palawakin ang tensiyon sa Iran.
“Donald Trump promised to bring our troops home. Instead he has pulled out of a deal that was working and instigated another unnecessary conflict,” ani Warren sa tweet.
Ang ibang kapanalig ni Trump sa Republicans ay naniniwala naman na dapat bigyan ng leksiyon ang Iran.
Sa ngayon wala pang komentaryo ang White House at Pentagon sa naturang reports.
Bago ito sinabi rin ni Trump na maaaring nagkamali lamang ang Iran sa pagtira sa kanilang drone.
Ang Iran naman ay inakusahan ang Estados Unidos nang probokasyon dahil sa pang-eespiya, bagay na inalmahan ng US security officials sa pagsasabing nasa international airspace ang drone at walang nilalabag sa paglipad ang drone.
Lumutang naman ang impormasyon mula sa CNN na mainitan daw ang debate ng mga Trump top security officials at ilang congressional leaders kung ano nga ba ang nararapat na “response” sa pagmamalabis umano ng Iran.
Mula nang maupo sa pwesto si Trump ay dalawang beses na niyang inaprubahan ang airstrike sa bansang Syria.
Nitong nakalipas lamang na linggo ay umigting pa ang tensiyon sa rehiyon nang sisihin ng Amerika ang Iran na siyang nambomba sa dalawang tankers sa Straight of Hormuz, na isa sa pinakamahalagang shipping routes lalo na sa daanan sa suplay ng langis.
Para naman sa Tehran handa raw silang makipaggiyera kahit anumang oras matapos nilang makamit ang “balance of power” sa rehiyon dahil sa taglay nilang nuclear weapons at missiles na kayang paliparin sa malalayong lugar.