-- Advertisements --

Nagbabala ang Globe sa publiko laban sa kumakalat na job recruitment scam sa social media, partikular sa Facebook, gamit ang mga edited na larawan ng kumpanya at mga empleyado nito para makakuha ng sensitibong impormasyon mula sa mga biktima.

Gumagamit ang mga manloloko ng manipulated photos na nagpapakitang nag-aalok umano ng trabaho ang Globe sa mga college freshman sa ilalim ng work-from-home arrangement na may suweldong P35,000 kada buwan.

Isa sa mga binagong larawan ay mula sa aktuwal na pagbibigay ng premyo sa isang Globe customer. Inedit ito para ipakitang tumatanggap kunwari ang isang estudyante ng trabaho mula sa Globe.

Mayroon ding mga pekeng account na gumagamit ng larawan ng mga empleyado ng Globe para isipin ng mga kustomer na nakikipag-ugnayan sila sa mga lehitimong Globe personnel.

Para protektahan ang sarili mula sa mga scammer, pinapayuhan ng Globe ang publiko na manatiling mapagbantay at mag-ingat sa mga online job postings.

“I-verify kung totoo ang impormasyon na makikita ninyo online dahil kalat na ang scams sa social media. Iwasang magbahagi ng personal o financial information hanggang ma-verify na totoo ang inaalok na trabaho. Maaari itong magamit para ma-access ang inyong online accounts, katulad ng e-wallets o bank accounts,” sabi ni Globe Chief Privacy Officer Irish Salandanan-Almeida.

Pinapayuhan ang publiko na huwag i-click ang mga kahina-hinalang link, gumamit ng mas matitinding password, at i-activate ang multi-factor authentication para mas maprotektahan ang kanilang mga online account.

Ang phishing ay isang karaniwang uri ng online fraud kung saan ang mga cyber criminal ay nagpapanggap bilang isang lehitimong organisasyon o indibidwal gamit ang email, post, o text message.

Patuloy ang Globe sa pagpapatupad ng mga hakbang para labanan ang online fraud at cybercrime. Ang kumpanya ay gumastos na ng $20 milyon para palakasin ang spam at scam SMS detection at blocking system nito.

Noong 2022 lamang, naharang ng Globe ang 2.72 bilyong scam at spam messages habang patuloy nitong pinapalakas ang crackdown laban sa kriminalidad para maprotektahan ang mga consumer.

Para sa higit pang kaalaman tungkol sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph.