-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Napapanahon ang muling pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa elementarya at values education sa sekundarya sa pagbabalik-eskwela ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Amir Mateo Aquino, Information Officer ng DepEd Region 2, sinabi niya na malugod nilang tinatanggap ang development na ito sa kanilang hanay.

Ayon kay G. Aquino, napapanahon ang muling pagtuturo ng GMRC sa mga paaralan dahil nakalagay naman sa mismong vision ng DepEd na bukod sa competency ay prayoridad din ang values na dapat ituro sa mga mag-aaral.

Malaki rin aniya ang papel ng mga magulang sa paglinang sa pag-uugali ng kanilang mga anak.

Sinabi pa ni G. Aquino, hindi naman talaga nawala ang naturang subject dahil nakapaloob ito sa ibang mga aralin, halimbawa nito ay kung magtuturo sa Mathematics ay pwede paring iintegrate ang values dito dahil sa interdisciplinary approach na pagtuturo.

Palaging nakapaloob ang values sa lahat ng asignatura sa paggawa ng lesson plan.

Handa aniya ang mga guro sa pagtuturo nito at kung kailangan man ng adjustment ay pwede nang papasok ang aspeto ng upskilling at reskillling.

Ang reskilling sa mga guro ay ang pagdadagdag sa kaalaman nila sa pagtuturo at ang upskilling ay ang pagpapataas sa antas ng kanilang kaalaman para makatugon sa sitwasyong kinakailangan.