-- Advertisements --

Niratipikahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bicameral version ng panukalang nagtatakda ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) and Values Education subjects sa ilalim ng K to 12 curriculum sa bansa.

Alas-3:00 kahapon nang ratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa GMC bill, habang dakong alas-8:00 naman ng gabi nang aprubahan ito ng Kamara.

Iaakyat na sa Malacanang ang panukalang batas na ito para malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim ng bicam report, ang GMRC ang siyang papalit sa existing na “Edukasyon sa Pagpapakatao” class kung saan tinuturuan ng ethics ang mga estudyante.

Nakasaad sa panukala na “integral and essential part” ng K to 12 Basic Education Curriculum ng Department of Education ang values education.

Layon nito na turuan ang mga estudyante nang pagrespeto para sa intercultural diversity, gender equity, kapayapaan at pagpapahalaga sa hustisya, pagsunod sa batas, at pagiging makabayan.

Kapag malagdaan na ni Pangulong Duterte, ituturo ang GMRC sa Grades 1 hanggang 6, habang para naman sa Grades 7 hanggang 10 ang values education.