-- Advertisements --
Boracay Airport own photo 2

KALIBO, Aklan – Nakadepende sa Department of Tourism (DOT)-Region 6 ang pagdesisyon kung kailan puwedeng magpapasok ng mga lokal na turista sa Boracay.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, mahalaga na muling makapag-operate ang tourism industry upang maibsan ang impact ng Coronavirus Disease (COVID-19) pandemic.

Subalit, kailangang makasunod sa “new normal” ang mga stakeholder upang maiwasan ang banta ng nakamamatay na sakit.

Nabatid na naging maayos naman ang dalawang araw na dry run na naglalayong magkaroon ng maagang paghahanda para sa maayos at ligtas na pagpapasok ng mga turista sa oras na payagan na ang domestic travel.

Dagdag pa ni Mayor Bautista na bumuo na sila ng inspection team upang mag-monitor sa ipinapatupad na health at safety standards sa mga tourism establishments sa isla lalo na ang mandatory na pagsusuot ng face mask, physical distancing at pag limita sa bilang ng mga customer sa loob ng isang establisimento.

Maliban sa “no registration, no swimming” at “no utensils, no dine-in” policy, ipapatupad rin sa Boracay ang “no booking, no entry” na patakaran.