-- Advertisements --

Umapela si Senador Christopher “Bong” sa mababang kapulungan ng Kongreso na maghinay-hinay sa pagpapatupad ng citation for contempt at igalang raw ang karapatan ng resource persons. 

Tugon ito ni Go matapos na ma-contempt si Office of the Vice President Chief of Staff Zuleika Lopez sa mosyon ni Deputy Minority Leader France Castro. 

Tinukoy ni Castro ang paglabag ni Lopez sa Section 11 (f) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation. 

“Natatakot na po ang mga resource persons dahil puro naco-contempt na po sila. Imbes na maging productive ang resulta, ay hindi na po, dahil sa takot. Tandaan natin na “in aid of legislation” naman po ito,’ saad ni Go. 

Ayon pa kay Go, hindi dapat naaabuso ang rules pagdating sa imbestigasyon lalo na ang grounds sa pag-cite in contempt sa isang resource person. 

Kaya pakiusap ni Go, itigil na ang pangha-harass at aniya in of legislation ang ikinasang pagdinig at hindi persecution. 

Samantala, kabilang naman ang mambabatas sa mga nagnanais na madagdagan ang pondo ng OVP para sa susunod na taon. 

Partikular ang para sa social services upang makapagtrabaho aniya at makapagserbisyo ang tanggapan ng bise. 

“Kaya nga ipinaglaban natin na maibalik po sa budget ng OVP sa susunod na taon ang para sa social services upang makapagtrabaho po sila at makapagserbisyo. Dahil yan naman po ang trabaho ng Bise Presidente, not just a spare tire. Bigyan natin siya ng pagkakataon na magtrabaho dahil gusto naman niya magtrabaho para makatulong sa ating mga kababayan,” dagdag ng senador. 

Gayunpaman, nagpaabot naman na raw si Go ng mensahe kay VP Sara Duterte at kay Lopez sakaling mangailangan ang mga ito ng tulong. 

Tutulong din daw siya upang mabigyan ng kaayusan at solusyon ang isyung kinahaharap ni Lopez.