KALIBO, Aklan – Naturukan na ng Sinovac COVID-19 vaccine si Governor Florencio Miraflores kasama ang 10 alkalde sa lalawigan ng Aklan ngayong araw sa ABL Sports and Cultural Complex sa Barangay Estancia, Kalibo, Aklan.
Kabilang sa tumanggap ng unang dose ng bakuna si League of the Municipalities of the Philippines (LMP)-Aklan chapter president at Ibajay Mayor Joen Miraflores, Mayor Denny Refol Jr. ng Altavas, Mayor Garry Fuentes ng Tangalan, Mayor Abencio Torres ng Makato, Mayor Alfonso Gubatina ng Madalag, Mayor Charito Navarrosa ng Libacao, Mayor Lenneth Fernandez ng Lezo, Numancia Mayor Jeserel Templonuevo at Mayor Rodell Ramos ng Batan.
Ayon kay Mayor Joen Miraflores agad silang nagpabakuna matapos rebisahin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kanilang patakaran at payagang maturukan ang mga alkalde at gobernador na itinuturing na high risk individuals.
Isinama sila sa nagpapatuloy na pagbakuna sa mga A1 priority list o mga health care frontliners.
Sa araw ng Huwebes sisimulan ang pagbabakuna sa mga senior citizen, may kapansanan at may comorbidities o iniindang mga kondisyon.
Dagdag pa ni Mayor Miraflores na ang pitong mayor na hindi nakasama sa inoculation ay nakatakdang bakunahan sa kani-kanilang vaccination roll-out.