Pinatitigil ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang lahat ng quarry operations sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Ayon kay Governor Tan, nakarating sa kanya ang panawagan ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na hinihikayat ang mga residente ng kanilang bayan na tutulan ang operasyon ng quarry o pagmimina rito.
Kasabay nito, hinikayat din ni Gov. Tan si Mayor Gayeta na pag-aralan ang mga binigay na business permit sa mga PMRB Quarry Permit para bigyang daan ang komprehensibong pag-aaral para sa wastong pangangalaga ng kalikasan at paglinang ng likas na yaman, partikular na ang mga lugar na nasa paligid ng Bundok Banahaw.
Ayon kay Gov. Tan simula’t sapol bahagi na ng kanyang adbokasiya ang pangangalaga ng inang kalikasan ang responsable at sustinableng paggamit ng mga likas na yaman.
Inatasan din ni Gov. Tan ang PMRB na alamin ang pagkukulang ng mga PMRB Quarry Permittee na hindi nakapag-operate sa bayan ng Sariaya dahil hindi nabigyan ng Mayor’s Permit upang mas mapaigting ang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng mga Pamahalaang Bayan para sa responsable at sustinableng paglinang ng likas na yaman.
Binilinan din ni Gov. Tan ang PMRB na siguraduhing walang ilegal na quarry operation sa iba pang bahagi ng Lalawigan ng Quezon.
Samantala, ipinag-utos naman ni Gov. Tan sa PG-ENRO na agarang ipatupad ang nakasaad sa Section 102 ng Revised Environmental Code kung saan magtatalaga ng mga lugar na idedeklarang “closed to mining application” partikular na sa mga lugar na malapit sa mga protected areas.