-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Dinapuan ng COVID-19 si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr.

Ito ang kinumpirma mismo ng gobernador sa pamamagitan sa isang video post sa Facebook page ng Provincial Government ng South Cotabato.

Ayon kay Tamayo, noong Pebrero 16 nang nagkaroon ito ng close contact sa isang pasyente na unang nagpositibo sa nasabing karamdaman.

Agad umano siyang sumailalim sa test at lumabas na negatibo noong Pebrero 17.

Ngunit pagkalipas aniya ng isang araw, nakaramdam na ito ng ilang mga sintomas ng virus.

Kaya’t sumailalim ulit sa RT-PCR test ang gobernador at lumabas na positibo ito sa COVID-19.

Isinailalim din sa test ang buong pamilya nito noong Pebrero 20 at nagnegatibo naman umano sa sakit.

Ayon sa mensahe ng gobernador sa kanyang video post, pansamantala itong sasailalim sa isolation kaya’t ipinagkakatiwala nito ang pamamahala ng probinsiya kay Vice Governor Vicente de Jesus para hindi maantala ang mga programa at proyekto habang ito ay nagpapagaling.