Inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na ang pagdoble sa subsidiya para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2026 ang pinaka-angkop na dapat gawin sakaling ipag-utos ng Korte Suprema na ibalik ang P60 billion na pondo mula sa national treasury.
Ito ay sa gitna ng pinaigting pang demand mula sa publiko na ibalik ang mga pondo sa state health insurer, bagay na pinaga-aralan na ng korte.
Aniya, kung kinakailangang ibalik ang pondo, ang interpretasyon aniya dito ay kailangan ding doblehin ang ilalaang subsidiya sa susunod na taon.
Inihalimbawa ng kalihim na kung sakali man na ipag-utos ng SC na ibalik ang pondo, kailangang doblehin ang P60 billion, na magiging P120 billion.
Nang matanong naman ang kalihim kung aasahan ang pagtaas ng subsidiya sa 2026 budget, nakadepende aniya ito sa magiging desisyon ng korte.
Subalit magiging mas maliit na aniya ang fiscal space sa susunod na pambansang pondo sa 2026 kung sakaling mangyari ito kung saan awtomatikong maglalaan ng P60 billion mula sa fiscal space na available.