-- Advertisements --

Umapela ang mga senador sa gobyerno na tumulong sa panghihikayat sa publiko na makiisa sa community pantries kasya gumawa ng mga hakbang para siraan ang mga ito.

Ito ang naging panawagan ni Senate President Vicente Sotto III kaugnay na rin ng napapa-ulat na red-tagging at profiling sa mga organizers ng mga community pantries.

Ayon kay Sotto, hindi raw katanggap-tanggap na dumadagdag pa sa hirap ng mga Pilipino ang ginagawang red-tagging ng ilan sa mga indibdiwal na nais lang naman na tumulong sa kapwa at sa gobyerno.

Mas makabubuti aniya kung matututo ang lahat sa mga inisyatibo ng mga pampribadong indibidwal.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na imbes na censure, mas maganda raw kung makatatanggap ng suporta mula sa gobyerno ang mga volunteers na bukas ang palad na tumulong sa mga pamilyang lubhang apektado ng COVID-19 pandemic.

Sinagot din ng senador ang naging pahayag ng isang opisyal mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) na kailangan pang humingi ng permit ang mga organizers ng mga community pantries.

Hirit nito hindi kailangan ng state franchise, government permit o police clearance ng mga community pantries.

Kailangan din aniyang pag-isipan ng mga opisyal ang kanilang aksyon laban sa mga organizers ng naturang community food drive.

Binigyang-diin naman ni Senator Grace Poe na pagtuunan na lang ng pansin ng mga otoridad ang kanilang tungkulin sa mga Pilipino at huwag manakot.

Kalaunan ay nilinaw ni DILG Sec. Eduardo Año na hindi na kinakailangan ang permits para magsagawa ng community pantries, subalit kailangan munang makipag-usap ng mga organizers sa mga local government units dahil na rin sa nananatiling banta ng coronavirus pandemic.

Itinanggi rin nito ang pag-uutos umano sa Philippine National Police (PNP) sa profiling ng mga organizers dahil ang tanging utos lang daw na natanggap ng mga otoridad ay siguruhin na nasusunod ang minimum health standards.