Hiniling ng panig ng gobyerno sa Korte Suprema na ibasura ang habeas corpus petitions kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kawalan ng merito at pagiging “moot” nito o wala ng kabuluhan.
Base sa pleading na isinumite ni Department of Justice Officer-in-Charge Usec. Nicholas Ty, ikinatuwiran ng gobyerno na hindi na maaaring maglabas ng writ of habeas corpus dahil ito ay naging moot na at walang merito dahil nailipat na ang dating Pangulo sa detention facility ng International Criminal Court (ICC).
Saad ng gobyerno na noong inihain ang mga petisyon wala na umano sa kustodiya ng Pilipinas ang dating Pangulo at nasa biyahe na patungong The Hague, Netherlands.
Sinabi din dito na maipapatupad lamang ang habeas corpus dito sa Pilipinas kayat maituturing na aniyang moot and academic ang consolidated petitions, na naggagarantiya sa agarang pagbasura ng kataas-taasang hukuman sa petisyon.
Gayundin, kahit na hindi umano ituring bilang moot ang petisyon, mabibigo lang aniya ito dahil walang unlawful restraint at walang iligal na pagkulong nang walang sapat na legal na batayan, dahil ang pagpapatupad ng ICC warrant ay naaayon sa Seksyon 17 ng Republic Act 9851 kung saan may opsiyon ng pamahalaan na isuko sa ICC ang isang inaakusahan sa krimen.