Hinimok ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang gobyerno na hingin sa United Nations na mamagitan sa pamamagitan ng isang resolution para ipatigil ang mga hindi lihetimong aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Ang naturang panawagan aniya ay alinsunod sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na nagpapawalang bisa sa malawakang claims ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Sinabi pa ng mambabatas na pinapawalang bisa din ng naturang ruling ng tribunal ang 9-dash line ng China na nagdedeklarang salungat ito sa mga probisyon ng UNCLOS at nanindigan sa sovereign rights ng PH sa EEZ at continental shelf sa WPS.
Inihayag din ni Cong. Tulfo na hindi kinikilala at hindi tumatalima ang China sa arbitration award at sa halip ay patuloy na pinapaigting pa ang mga ilegal na aksiyon nito sa WPS sa kabila pa ng ruling.
Ngayong taon pa lamang ay nagsagawa ng mga agresibong maniobra at water cannon attacks ang mga barko ng China laban sa PCG at mangingisdang Pilipino na hayagang pagbalewala ng China sa international law at legal maritime rights ng PH.
Binigyang diin pa ng mambabatas na malaki ang impluwensiya ng UN sa international norms at mga polisiya na nagbibigay ng malakas na platform para sa Pilipinas para igiit ang maritime rights nito at makakuha ng global support laban sa unlawful actions ng anumang estado.