-- Advertisements --

Hinimok ng isang mambabatas ang gobyerno na kumilos kaagad at magbigay ng pangmatagalang solusyon sa mga problema sa maritime industry sa bansa.

Ito’y kasunod ng desisyon ng European Union (EU) na ipagpatuloy ang pagkilala sa mga certificates para sa mga seafarer na inisyu ng Pilipinas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Sen. Imee Marcos, na ang patuloy na labor shortage sa maritime industry ay maaaring dahilan sa likod ng desisyon ng EU.

Binanggit niya ang isang pagtataya na nagsasaad na ang kakulangan sa pandaigdigang seafarer ay maaaring umabot sa halos 90,000 pagsapit ng 2026.

Iminungkahi ng mambabatas ang isang kasunduan sa mga maritime na bansa na mag-aalok ng tulong na edukasyon at technical assistance sa mga Filipino seafarers.

Kung matatandaan, inihayag ng EU ang kanilang desisyon ilang buwan matapos itong magbabala sa mga Pinoy maritime worker na maaari silang ipagbawal sa mga sasakyang pandagat kasunod ng paulit-ulit na kabiguan ng bansa sa European Maritime Safety Agency (EMSA) sa nakalipas na 16 na taon.