Isinusulong sa Senado ang mas mahigpit na proteksyon sa mga overseas Filipino workers (OFWs) laban sa pag-abuso ng kanilang mga employer at pananamantala ng kanilang mga agency.
Ginawa ito ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Committee on Women, Children and Family Relations sa plenary session ng Senado kasunod ng panibagong kaso ng pagmamaltrato at karumal-dumal na pagpatay sa Pinay domestic helper sa Saudi Arabia.
Batay sa report na tinanggap ni Hontiveros, pagdating sa Saudi, nadiskubre ng employer ni Jovelyn Tang Andres na siya ay buntis kaya siya pinabalik sa kanyang agency.
Imbes umano na tulungan, pinainom pa ng agency ang Pinay DH ng pampalaglag na sinasabing sanhi ng kanyang pagkamatay.
Pero napag-alaman na meron umanong hiwa sa lalamunan hanggang tiyan ang OFW at nawala ang ilang lamang loob kasama na utak.
Dumating ang abo ng OFW sa Davao noong Setyembre 17 at nais ng kanyang pamilya na masuri ito at magkaroon ng imbestigasyon lalo sa agency.
Kaugnay nito, nais ni Hontiveros na magkaroon ng mas mahigpit na monitoring at inspeksyon sa mga agency na nagpapadala ng mga OFWs sa abroad.
Hindi umano katanggap-tanggap na maulit ang ganitong kahindik-hindik na pangyayari sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa abroad na itinuturing pa namang mga bagong bayani.
Partikular na kinalampag ng senadora ang Department of Migrant Works na siyang may mandatong pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga OFWs.