-- Advertisements --

Matagal nang namimigay ng ayuda sa ilalim ng iba’t ibang social welfare programs ang gobyerno at pinaganda lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagpapatupad nito upang mas marami ang makinabang.

Ito ang binigyan diin ng mga pinuno ng Kamara makaraan na ring lumabas sa survey na nagpapakita na 90 porsiyento ng mga Filipino ang naniniwalang kapaki-pakinabang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ilan pang programa, kung saan 66 porsiyento naman ang nagsabing ‘malaking tulong’, at 24 porsyento naman ang nagsabing ‘medyo nakakatulong.’

Punto pa ni Manila Rep. Ernix Dionisio Jr. na bagama’t matagal nang umiiral ang mga ayuda program, ngunit mayroong mga kritiko ang ngayon lamang ito binabatikos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ipinagtataka ni Dionisio kung bakit ngayon lamang pinupuna ang mga ayuda program, at hindi sa mga nakalipas na administrayon na may kaparehong programa ipinatupad.

Iginiit pa ng kongresista ang malaking epekto ng tulong ng pamahalaan, lalo na sa mga mahihirap.

Dagdag pa ni Dionisio na ang ganitong uri ng ayuda ay maaaring makatulong sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang paraan, kabilang na ang pagsuporta sa maliliit na negosyo.

Nagpapasalamat naman ang mambabatas kay Pangulong Marcos sa pagpapalawak ng programa, upang mas maraming Filipino ang makatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Hinimok din ni Dionisio ang mga kritiko na ituon ang pansin sa mga benepisyo ng ayuda sa halip na gawin itong isyung pampulitika.

Ipinunto ni Deputy Majority Leader Paolo Ortega V na ang mga inisyatibang ito ay maingat na pinlano at hindi basta-bastang ipinatupad.

Giit pa Ortega na ang malaking pagpabor ng publiko ay katunayan na epektibo ang mga programa.

Kapwa naniniwala ang dalawang mambabatas na ang mga ayuda ay nagsisilbing mahalagang tulong sa mga Pilipinong nangangailangan at hindi dapat gamitin sa pamumulitika para lumikha ng pagkawatak-watak.