May sapat na pondo ang gobyerno upang suportahan ang mga relief at rehabilitation efforts sa mga lugar na apektado ng Severe Tropical Storm Kristine, ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.
Sa isang pahayag, sinabi ni Recto na maaari ding kunin ang mga pondo para dagdagan at palakasin ang paghahanda sa kalamidad ng mga local government units (LGU).
Maaaring gamitin ang pondo niya para sa reconstruction, rehabilitation, o repair ng mga nasirang kalsada, tulay, at mga gusali, pagkatapos ng isang kalamidad.
Ang pondo ay maaari ding gamitin upang maihatid ang mga agarang pangangailangan ng mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga food packs, first aid at mga gamot, pansamantalang tirahan, emergency needs, at iba pang mga pangangailangan.
Dagdag pa ni Recto, kabilang sa mga karagdagang pondo na madaling makuha ng DOF ay ang mga unprogrammed funds, ang $500 million standby credit line, isang Rapid Response Option (RRO) facility, ilang contingent emergency response component mula sa World Bank, at post-disaster standby financing mula sa Japan.
Ang mga karagdagang pondong ito aniya ay agad na makukuha kapag napagpasyahan ng pamahalaan na i-access ang mga ito.