Inanunsiyo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang isang komprehensibong estratehiya ng iba’t ibang sangay ng gobyerno upang mapababa ang presyo ng bigas kasabay ng ilalabas na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawasan ang taripang ipinapataw sa imported na bigas.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), isang executive order ang ilalabas ni Pangulong Marcos upang ibaba sa 15 porsyento ang taripa sa imported na bigas mula sa kasalukuyang 35 porsyento. Layunin nito na maibaba sa P29 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Ginawa ng lider ng Kamara ang anunsyo matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Customs (BOC), at iba pang stakeholders, kasama ang pribadong sektor.
Nakasama ni Speaker Romualdez sa pagpupulong sina Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food, at Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.
Iginiit ni Speaker Romualdez ang pagnanais ng administrasyong Marcos na maging abot-kaya ang presyo ng at sapat ang suplay ng bigas.
Tinukoy ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng DTI upang matiyak na mararamdaman ng publiko ang pagbawas ng taripa sa bigas.
Ayon kay Quezon Rep. Mark Enverga posibleng bumaba ang presyo ng bigas ng P5-6 kada kilo batay sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Deputy Majority Leader Tulfo ang pagbabang ito ay maaaring maapektuhan ng exchange rate.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez na nakikipag-ugnayan din ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang malimitahan ang epekto ng pagtaas ng halaga ng dolyar.
Binanggit rin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na magresulta ang pagbabawas sa taripa sa pagkakaroon ng savings ng mga mamimili.
Tiniyak ni Speaker Romualdez na agad na mararamdaman ang epekto ng mas mababang taripa sa susunod na buwan, at sana ay bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 22 ni Pangulong Marcos.
Iginiit rin ng lider ng Kamara ang kahalagahan na mabilis na matugunan ang isyu dahil araw-araw umano itong nagpapahirap sa maraming Pilipino.