Kinumpirma ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na naglaan ang gobyerno ng P2.5 trillion ngayong taon bilang parte ng three-year approach nito para muling makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sa Job Summit na inorganisa ng Task Group on Economic Recovery-National Employment Recovery Strategy (NERS) ngayong araw, sinabi ni Chua na ang kabuuang budget para sa economic recovery ngayong taon ay katumbas ng 14 percent ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Dinisenyo aniya ang 2021 budget para maisakatuparan ang economic recovery kasabay ng ilang complementary measures.
Halos P2 trillion o 11.3 percent naman ng GDP ang manggaling sa 2021 General Appropriations Act (GAA).
Bukod pa rito, magpapatupad din ang pamahalaan ng P478 billion na halaga ng fiscal measures ngayong taon kabilang ang mga sumusunod:
— PHP317 billion mula sa Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2);
— PHP23-billion Social Amelioration Program 2 para sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal o NCR Plus; at
— PHP138 billion tax breaks sa lahat ng negosyo o proyekto sa ilalim ng CREATE law
Base sa survey ng World Bank, 63 porsyento ng mga negosyo ang nagbukas na noong Nobyembre 2020 subalit tanging 9 percent lang sa mga ito ang full capacity na nag-ooperate.
May ilang kumpanya rin ang nago-operate sa mas mababa pang kapasidad dahil sa financial constraints at 52 percent naman ang walang sapat na consumer demand.
Dagdag pa ni Chua na habang ipinapatupad ng gobyerno ang fiscal measures nito para suportahan ang ekonomiya, mahalaga pa rin daw ang ligtas na pagbubukas ng economic activities para makausap ang bansa sa kabila ng coronavirus pandemic.
Sa oras din aniya na maibalik na ang ilang economic activities sa bansa ay magreresulta naman ito ng mas marami pang trabaho para sa mga Pilipino.