Naipabatid na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga alegasyon laban sa tatlong Pilipinong kasalukuyang nakakulong sa China.
Sa statement ng DFA na idinaan sa Presidential Communications Office (PCO), binanggit na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang pangangalaga sa mga karapatan at kapakanan ng mga nasabing Pinoy.
Sa ngayon, ayon sa DFA, patuloy na nagbibigay ng kinakailangang tulong ang konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou, kabilang ang angkop na legal support.
Ayon sa DFA, ipinaabot na rin ng departamento sa Chinese government ang hirit ng pamahalaan na tiyakin ang patas na paglilitis sa kaso, alinsunod sa due process at may buong paggalang sa mga karapatan ng tatlong Pilipino, batay sa batas at sa Philippines-China Consular Agreement.