Pinatawag ng gobyerno ng China si Philippine Ambassador to China Jaime Flor Cruz.
Kasunod ito ng ipinaabot na pagbati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Taiwanese President-elect Lai Ching-te kasabay ng pagpapahayag ng magandang ugnayan ng ating bansa sa Taiwan, bagay na hindi ikinatuwa ng panig ng China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning na ipinatawag ni Assistant Minister Nong Rong ang ambassador ng Pilipinas sa kanilang bansa upang pagpaliwanagin hinggil sa naging aksyon ni Pangulong Marcos Jr.
Giit ng China, ang ginawang ito ng ating pangulo ay isang malaking paglabag sa One China Principle na pinagtibay kamakailan lang ng ating bansa.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang naturang Chinese official sa Pilipinas na huwag maglaro ng apoy lalo na sa isyu ng Taiwan kaya’t dapat aniyang tigilan na raw ng ating bansa pakikisawsaw sa mga isyung may kaugnayan sa Taiwan.