-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na tumangging makipagtulungan ang gobyerno ng Malaysia sa Pilipinas hinggil sa imbestigasyon ng pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Alice Guo.

Una nang napaulat na lumabas ng bansa si Guo patungo sa Malaysia para takasan ang kanyang patong-patong na kaso sa Pilipinas.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, tumanggi ang Malaysia na magbigay ng mga mahahalagang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.

Kabilang na rito ang mga naging flight records at detalye ng naging flight ni Guo ng tumakas ito sa bansa.

Paliwanag ni Remulla, alam ng Malaysia kung anong eroplano ang pumasok sa kanilang bansa at kung ano ang ginagawa doon ni Alice Guo.

Naniniwala ang kalihim na ang pagtanggi ng Malaysia na makipagtulungan ay may kinalaman sa annulled US$14.92 billion arbitration award sa isang self-claimed heirs o tagapagmana ng Sulu sultan.