-- Advertisements --

Dinepensahan ng gobyerno ng Pilipinas ang pagbisita ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa bansa mula sa mga kritiko.

Kaugnay nito, partikular na pinuna ni National Security Council (NSC) Asst. Director General Jonathan Malaya ang National Democratic Front (NDF) sa pagtawag sa PH at Ukraine bilang puppets ng Amerika.

Aniya, bilang isang responsableng miyembro ng international community at masugid na nagsusulong ng rules-based international order, committed ang PH sa pagtulong para mawakasan na ang giyera sa Ukraine.

Ipinunto din ng NSC official na ang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at Pres. Zelensky ay patunay ng patuloy na suporta ng PH para sa multilateral peace efforts kabilang ang panawagan ng UN para sa pagwawakas ng labanan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Sa reyalidad aniya, ang CPP-NPA-NDF ang puppets ng mapanira at obsolete na ideolohiya ng Chinese Maoist na walang magandang naidulot kundi digmaan at terorismo sa ating bansa sa mahigit 5 dekada na ng kanilang insurhensiya.

Dagdag pa ng opisyal na kapwa sinusuportahan ng PH at Ukraine ang international rules-based order at ito ang basehan ng ating bilateral relations.

Matatandaan, noong Hunyo 3, nakipagkita si Pres. Zelensky kay Pang. Marcos sa Malacanang para hingin ang suporta ng bansa para sa peace summit sa Switzerland na idadaos sa huling bahagi ng Hunyo kasabay ng pag-asa na matutuldukan na ang invasion ng Russia sa kanilang bansa.

Inilarawan naman ng NDF ang pagbisita ng Ukraine leader bilang imperialist war designs ng US para gawin si Pang. Marcos na bagong poster boy para sa proxy war nito laban sa China.