Hindi mangingialam ang gobyerno ng Pilipinas sa gitna ng pagsisimula ng paghahanda ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang depensa laban sa inaakusa sa kaniyang crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), ayon sa Malacañang ngayong Sabado.
Sa isang panayam, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na nagbigay ang gobyerno ng kaukulang tulong para sa dating Pangulo kabilang ang medical services at care package mula nang maaresto siya sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay city noong araw ng Martes hanggang sa dalhin siya sa The Hague, Netherlands.
Sinabi din ng opisyal na kung may mga witness ang dating Pangulo maaari niya itong ipatawag at pagawan ng anumang statement o affidavit pero nilinaw ni USec. Castro na hindi sasagutin ng pamahalaan ang travel expenses ng mga testigo ng kampo ng dating Pangulo.
Ipinunto ni Castro na kaya naman ng kampo ng dating Presidente na magpadala ng kaniyang sariling team sa The Hague, kung saan ilan aniya sa mga kaalyado nito kabilang sina dating Presidential spokesperson Harry Roque at Senator Robin Padilla ay bumiyahe patungong The Hague gamit ang kanilang sariling pera.
Ayon pa sa opisyal, hindi natalakay ang kaso ni Duterte sa pagpupulong nitong Biyernes kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kabila nito, patuloy pa rin aniyang tututukan ng pamahalaan ang mga development sa kaso ng dating Pangulo upang maging aware ang taumbayan sa nangyayari.
Inabisuhan din ng opisyal ang publiko na huwag maniwala sa mga nagpapakalat ng fake news kasunod ng pag-aresto sa dating Pangulo.
Matatandaan, itinakda ang pre-trial hearing sa kaso ni dating Pangulong Duterte sa Setyembre 23 para mabigyan ng sapat na panahon ang lahat ng involved parties.