Iginiit ng gobyerno ng Pilipinas na hindi nito nilabag ang 2018 bilateral labor agreement (BLA) sa Kuwait.
Paliwanag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Cortes na ang pagtatatag shelters para sa mga minaltratong overseas Filipino workers (OFWs) ay pinapayagan sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Saad pa ng opisyal na mayroong probisyon sa ilalim ng 2018 bilateral labor agreement na ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait ay maaaring mag-operate ng shelters sa loob ng complex nito.
Sa ilalim kasi ng Republic Act 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 ang pagtatatag ng migrant workers and overseas Filipinos resource centers sa premises nito at sa ilalim ng administrative jurisdiction ng Philippine Embassy sa ibang mga bansa kung nasaan ang malaking bilang ng mga Pilipinong migrant workers.
Ginawa ng DFA official ang naturang pahayag matapos na ianunsiyo ng Kuwaiti Interior Ministry ang pansamantalang suspensiyon ng pag-isyu ng visa para sa mga manggagawang Pilipino dahil sa ilang umano’y paglabag ng gobyerno ng Pilipinas sa bilateral agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Una ng inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na ang suspensiyon ng pag-isyu ng bagong visa ay tugon ng Kuwait sa deployment ban ng Pilipinas sa bagong mga kasambahay patungo sa Arab state na ipinatupad noong Pebrero ng kasalukuyang taon.