Kumikilos na ang gobyerno ng Pilipinas para makakuha ng approval mula sa China para mabisita ang tatlong Pilipino na inaresto at kasalukuyang nakadetine sa Hainan dahil sa umano’y pageespiya.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo de Vega, mayroon ng nakuhang abogado doon sa China na humahawak sa kaso ng tatlong Pilipino na pinondohan ng Pilipinas sa pamamagitan ng DFA Legal Assistance Fund.
Humiling na rin aniya ang PH sa mga awtoridad ng China na payagan ang abogado na mabisita ang mga Pilipinong nakadetine sa Hainan.
Subalit sa ngayon, kailangan pa aniya ng approval ng provincial governor ng Hainan, bagay na kanila ng inaasikaso.
Muling iginiit naman ng DFA ang nauna ng mga pahayag ng Office of the President at National Security Council na hindi mga espiya ang nasabing mga Pilipino.
Inamin naman ni USec. De Vega na may malaking nakasalalay sa kaso kabilang na ang pangkalahatang relasyon ng Pilipinas at China.
Kinumpirma naman ng opisyal na nakikipag-usap na ang Philippine Ambassador sa Beijing at Consul General sa Guangzhou sa Chinese authorities at mga abogado ukol sa kaso ng 3 Pilipino.
Aniya, matagal na ring humihiling ng tulong ang pamilya ng inarestong Pilipino kayat umaasa sila sa magandang balita hinggil dito.
Naipaalam na rin sa Chinese officials na nasa Pilipinas ang hinggil sa request ng ating gobyerno para payagan ang mga abogado na mabisita ang 3 nakakulong na Pilipino.
Nitong Martes, nanindigan ang China sa alegasyon nito na espiya ang 3 Pilipino na mariing pinabulaanan naman ng mga opisyal ng Pilipinas.