-- Advertisements --

Magbibigay ng legal assistance ang gobyerno ng Pilipinas sa Pinay na inaresto sa Tokyo, Japan dahil sa umano’y pag-abandona sa bangkay ng mag-asawang Hapones.

Ayon kay Department of Migrant Workers officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad ng Japan para mabigyan ng legal na tulong ang Pinay na si Hazel Ann Baguisa Morales, 30-anyos.

Una ng napaulat na inaresto si Morales dahil sa umano’y pag-abandona niya sa mga bangkay ng mag-asawang sina Norihiro Takahashi, 55, at Kimie, 52, na natagpuan sa kanilang bahay sa Adachi Ward ng Tokyo noong Martes at lumalabas na pinagsasaksak ang mga ito.

Subalit itinanggi ni Morales ang mga paratang laban sa kaniya.

Ayon sa ulat, kakilala umano ng mag-asawa si Morales.

Sa ngayon, tinitingnan ng mga imbestigador kung may hindi pagkakasundo si Morales sa mag-asawa gayundin ang dahilan ng kanilang pagkamatay.

Kung saan naniniwala ang mga imbestigador na may ibang tao na sangkot sa insidente.

Nangako din ang DMW na makikipag-uganayan at magbibigay ng tulong sa pamilya ni Morales. (With reports from Bombo Everly Rico)