-- Advertisements --

Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay sa ‘unprofessional at reckless flight maneuvers’ ng helicopter ng PLA-Navy Harbin Z-9 na may tail number 68 na lumipad sa malapit na distansiya na 3 metro lamang mula sa Cessna 208B Grand Caravan EX ng BFAR habang nagsasagawa ng regular maritime domain awareness flight sa Bajo de Masinloc nitong Martes, Pebrero 18.

Sa isang statement mula sa National Maritime Council, sinabi ng konseho na lubhang nababagabag ang pamahalaan ng Pilipinas sa naging aksiyon ng Chinese helicopter.

Ang tahasang mapanganib na aksiyong ito ay naglagay aniya sa kaligtasan ng mga piloto at pasaherong lulan nito sa panganib. Nagpapakita rin umano ito ng kawalan ng paggalang sa mga pamantayang tinatanggap sa buong mundo para sa good airmanship at flight safety.

Iginiit din ng konseho na may hindi maikakailang soberanya at hurisdiksyon ang PH sa Bajo de Masinloc.

Ang iligal, mapilit, at agresibong pag-uugali aniya ng China ay hindi makakapigil sa Pilipinas na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga nakagawiang maritime operation nito alinsunod sa soberanya sa shoal.

Hindi rin matitinag ang Pilipinas sa tungkulin nitong pangalagaan ang mga maritime interest nito sa shoal, alinsunod sa Republic Act 12064 o ang Philippine Maritime Zones Act at international law, partikular na ang UNCLOS at ang 2016 Arbitral Award.

Samantala, hinimok ng konseho ang China na igalang ang international law, makiisa sa responsableng pag-uugali ng isang estado, ituloy ang mapayapang pag-aayos sa mga hindi pagkakaunawaan, at iwasan ang mga aksyon na sumisira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.