Nagpatulong na rin ang gobyerno ng Pilipinas sa ilang karatig bansa na miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) para sa pagbibigay ng karagdagang air assets para sa paghahatid ng tulong para sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Sa Palace briefing ngayong araw, sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Director Edgar Posadas, nakausap na ni Defense Secretary Gilbert Teodoro si Singapore Ambassador to the Philippines Constance See gayundin ang mga opisyal mula sa Indonesia, Malaysia at Brunei kaugnay sa posibleng paggamit ng kanilang assets para makatulong sa paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na hindi madaanan sa pamamagitan ng mga kalsada dahil sa baha at landslide.
Inihayag din ng OCD official na ang naturang hakbang ay alinsunod sa guidance ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na subukan ang air route para sa pagdadala ng mas marami pang relief goods para sa mga apektadong lugar.
Tiniyak din ni OCD Dir. Posadas na may sapat na tulong na ibibigay ang pamahalaan para sa mga sinalanta ng bagyo subalit hamon aniya ang pagdadala ng mga ito sa ilang mga lugar dahil sa lawak ng pinsala ng kalamidad sa ilang imprastruktura.
Sa ngayon, mayroong 17 air assets ang Philippine Air Force na maaaring magamit para sa relief operations. Para naman sa mga posibleng ibigay na assets ng mga karatig na bansa ay ang augmentation para sa logistics gaya ng cargo planes o cargo aircrafts na dadalhin sa mga lugar na matinding sinalanta ng bagyo partikular na sa Bicol region.