Todo ang kayod ngayon ang pamahalaan para mabuwag ang 23 private armies bago ang 2025 midterm elections.
Sa isang pulong balitaan ngayong araw, sinabi ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na karamihan sa nasabing mga grupo ng private armies ay sa Mindanao.
Kayat tututukan aniya ng pamahalaan ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon pa kay Galvez, personal na nakikipag-usap mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa militar at kapulisan simula noong nakalipas na taon para tiyakin ang maayos at marangal na halalan sa May 2025.
Sa ngayon nasa kabuuang 16 na private armies na ang nabuwag ng pamahalaan at 100 mga baril ang narekober sa ilalim ng Marcos Jr. administration.
Kumpiyansa naman ang mga awtoridad na madadagdagan pa ang bilang na ito sa mga susunod na buwan sa tulong ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ang hakbang na ito ng ahensiya ay sa gitna na rin ng nangyayaring ilang insidente ng karahasan sa nakalipas na mga halalan lalo na sa rural areas kung saan ilang mga kandidato ang nagha-hire ng private armies para ma-nutralisa ang kanilang karibal sa pulitika o matakot ang mga botante.