Tiniyak ng Department of Migrant Workers na tutulong ang gobyerno ng Pilipinas para ma-claim ang labi ng Pinay nurse na si Reyna Jane Ancheta, na umano’y nasawi dahil sa car accident sa Abu Dhabi, UAE.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac na tutulak ang mga kinatawan mula a DMW at Department of Foreign Affairs kasama ang mister ng Pinay nurse na si Kennet Paul Ancheta patungo sa Abu Dhabi sa lalong madaling panahon para masaksihan ang imbestigasyon ng mga awtoridad ng UAE.
Sasamahan din ng mga kawani ng gobyerno ang mister ng Pinay nurse para ma-claim ang labi.
Samantala, duda naman ang asawa ng Pinay nurse sa sinapit ng kaniyang asawa. Aniya, hindi niya makontak ang kaniyang misis ng 3 araw bago matagpuan ang bangkay nito. Palaisipan din sa kaniya kung bakit hindi nakita sa lugar ang cellphone at Emirates ID ng kaniyang asawa.
Sa panig naman ng DMW, sinabi ni Sec. Cacdac na mas mainam aniya na antayin na lang na lumabas ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon.