Walang kapangyarihan ang gobyerno ng Pilipinas na harangin ang hiling na asylum ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque sa The Netherlands, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Subalit ipinaliwanag ni DFA Migrant Workers Affairs USec. Eduardo de Vega na kung hihingin ng Dutch government sa gobyerno ng Pilipinas na magpaliwanag sa mga inilatag na rason ni Atty. Roque sa kaniyang asylum bid, igigiit aniyang gumugulong ang demokrasiya sa Pilipinas at hindi totoong may political prisoner o hindi ito humaharap sa political persecution sa bansa.
Matatandaan, biglang lumutang sa publiko si Atty. Roque sa The Hague, Netherlands kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ang unang pagkakataon na nagpakita siya sa publiko matapos siyang isyuhan ng arrest order ng House Quad Committee kaugnay sa kaniyang umano’y pagkakasangkot sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming operators (POGOs).
Nagsumite naman ng aplikasyon si Atty. Roque para sa asylum sa The Netherlands para payagan siyang mairepresenta ang dating Pangulo sa ICC subalit nauna ng nilinaw ni VP Sara Duterte na hindi kabilang si Atty. Roque sa legal team ng dating Pangulo.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye kaugnay sa status ng asylum application ni Atty. Roque.