-- Advertisements --

Nangako ang Philippine Government na magpapaabot ng suporta para sa mga Pilipino na inaresto at kasalukuyang nakaditene sa Qatar dahil sa pagsasagawa ng mga hindi otorisadong mga political na protesta.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), na nananatili silang ‘closely in touch’ sa mga lokal na otoridad sa naturang bansa para sa pagtitiyak ng kaligtasan at sitwasyon ng mga naarestong Pinoy kabilang na dito ang 17 mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) na kasalukuyang iniimbestigahan dahil a kanilang ikinasang political activities.

Matatandaan kasi na nagsagawa ng iba’t ibang rallies sa iba’t ibanag bahagi ng mundo noong March 28 ang mga tagasuporta ni dating pangulo rodrigo Duterte bilang selebrasyon ng ika-80 na kaarawan nito.

Ayon sa mga otoridad ng Qatar, nilabag ng mga ito ang Qatar law no. 18 of 2004 kung saan nakasaad dito na maituturing na iligal ang pagkakasa ng mga hindi otorisadong kilos protesta at kakailanganin muna ng approval mula sa pamahalaan.

Samantala, sa tulong din ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Philippine Embassy sa Doha, pinadala na si Labor Attache Atty. Eduard Ferrer sa police station kung saan nakaditene ang mga OFW’s para makapagpahatid ng mga kakailanganing assistance sa mga ito.

Pinaalalahanan naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang mga OFW’s at ang publiko na respetuhin at hanggat maaari ay sundin ang mga batas at paniniwala ng mga bansang kanilang pinamamalagian upang maiwasan ang mga ganitong klase ng insidente.