-- Advertisements --
ofw

Sasagutin ng gobyerno ng Saudi Arabia ang hindi pa naibibigay na sahod para sa 10,000 overseas Filipino workers na nagtratrabaho sa contruction company na nalugi noong 2015 at 2016.

Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople.

Aniya, naglaan ang Saudi Arabia government ng 2 billion riyals o katumbas ng P30.5 billion para sa unpaid salaries ng OFWs.

Ang anunsiyo ng kalihim ay kasunod ng bilateral meeting ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Bangkok, Thailand.

Malugod namang tinanggap ng Pangulo ang naturang development at inihayag na ito ay regalo ng prinsipe.

Tiniyak din ng Pangulo na hindi na mauulit pa ang naturang insidente dahil mayroon ng nakalatag na insurance system kung saan ang gobyerno ng Saudi na ang magbibigay mismo ng insurance kapag malugi ang korporasyon na pinagtratrabahuan ng ating mga kababayang OFWs.