ROXAS CITY – Naging agresibo at istrikto sa pagpapatupad ng precautionary measures ang Kaharian ng Thailand kaya unti-unting bumababa ang bilang ng mga nahawaan ng coronavirus disease 2019.
Sa report ni Bombo International correspondent Kenneth Malacad, tubong Tabugon, Sta. Fe, Romblon at nagtatrabaho bilang foreign language teacher sa Thailand, sinabi nitong mas hinigpitan pa ng gobyerno ang quarantine protocols katulad ng pagsasara ng border dahil kilalang exit point ang Thailand ng ilang mga bansa.
Mahigpit rin na ipinatutupad ang curfew na nagsisimula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw at ang sinumang lalabag sa curfew at social distancing policy ay magbabayad ng multa na 20,000 hanggang 40,000 baht na katumbas ng P70,000.
Tuluyan na ring pinatigil ang biyahe ng mga provincial buses at pansamantalang pinasarado ang mga hotels at shopping malls.
Nabatid pa na pinaghandaan talaga ng Thailand ang COVID-19 pandemic, dahil libre ang hospitalization ng mga COVID-19 patients.
May natanggap rin na financial support mula sa gobyerno ang mga nawalan ng trabaho.
Suportado ng Thailand ang lahat na kakailanganin ng kanilang mga frontliners kung saan kumpleto sila sa mga Personal Protective Equipment para masiguro rin ang kanilang kaligtasan.
Samantala, pagdating sa muling pagbubukas ng klase sa Thailand, sinabi ni Malacad na batay sa rekomendasyon ni Ministry of Education at Task Force on COVID-19 na posibleng sa Hulyo 1 pa magbabalik sa paaralan ang mga estudyante.