-- Advertisements --

Nagbigay ang gobyerno ng Amerika ng P84 million o $1.5 million na humanitarian assistance para sa mga biktima ng bagyong Kristine.

Ayon sa US Embassy na nakabase sa Maynila, ang naturang pondo ay bilang augmentation sa nagpapatuloy na pagsisikap ng US Agency for International Development (USAID) para maipamahagi ang mga lifesaving assistance para sa mga sinalanta ng bagyo sa Bicol at sa Batangas na makarekober ng ligtas at may dignidad.

Sinabi din ng Embahada na sa pamamagitan ng naturang pondo, makapagbibigay ang USAID ng mga kinakailangang serbisyo tulad ng malinis na tubig, sanitation, emergency shelter at tulong pinansiyal. Tutulong din aniya ang ahensiya sa pagbibigay ng logistic support sa pangangasiwa ng mga evacuation center.

Samantala, nauna naman ng tumulong ang USAID noong Linggo, Oktubre 27 sa Office of the Civil Defense sa pamamahagi ng shelter-grade tarpaulins at household relief kits sa Bicol sa pamamagitan ng C-130 na ibinigay ng gobyerno ng Singapore.

Naka-preposisyon na rin ang disaster relief items sa OCD humanitarian relief depot sa Fort Magsaysay, isang EDCA site sa Nueva Ecija.