-- Advertisements --

Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ni Vice President Sara Duterte na may banta sa buhay ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.

Itoy matapos kwestiyunin ng Palasyo ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na maaaring matulad kay Ninoy Aquino ang posibleng kahihinatnan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling umuwi ito sa bansa.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na hindi maikukumpara si Duterte kay Aquino, dahil wala namang rekord si Aquino ng mass murder o crimes against humanity.

Dagdag pa ni Castro, batay sa mga naging talumpati nuon ni Duterte ay hindi niya inihalintulad ang kanyang sarili kay Ninoy Aquino, kundi kay Adolf Hitler kung saan minsan na nitong sinabi na “kung may Hitler ang Germany, may Duterte ang Pilipinas.”

Kinwestyon din ni Castro, kung saan hinuhugot ni VP Sara ang kwento na may banta sa buhay ng dating Pangulo.

Gayung hanggang ngayon, maging ang sinasabing pagbabanta umano sa buhay ng Bise Presidente ay hindi pa naman naipi-presenta sa NBI at PNP.

Iginiit ni Castro na bago maglabas ng ganitong mga pahayag, kailangang may konkretong batayan.

Sa huli, binigyang-diin ng Palasyo na walang katotohanang may banta sa buhay ni dating Pangulong Duterte.