Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng mga kalamidad na tumatama sa bansa kabilang na ang nagdaang bagyong Kristine at bagyong Leon.
Ito ay alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siguruhing hindi magkukulang ang suplay ng bigas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Agriculture Director Lorna Calda na aabot sa 1,447 na sako ng bigas ang ipinamahagi sa lalawigan ng Ilocos at Cagayan para sa mga residenteng apektado ng bagyo.
Ang naturang bilang ng bigas ay nagmula naman sa National Food Authority (NFA).
Bukod dito ay sinabi ni Calda na nakakalat na rin sa ilang lugar sa Pilipinas ang KADIWA stores ng gobyerno para magbigay ng murang presyo ng bilihin sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng bagyo.
Naglaan naman ng P1 bilyon ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay Calda, kasama na dito ang mga agri inputs tulad ng abono, binhi at mga tulong sa mga magsasaka maging sa mga mangingisda.